
Itinanggi ng Presidential Communications Office (PCO) ang impormasyong nakarating kay SAGIP Party-list Rep. Paolo Henry Marcoleta na nagmementina at nagbabayad ito ng halos 200 reactors at 76 vloggers.
Ayon kay Marcoleta, sa kwentong nakarating sa kanya ay nasa 7,000 pesos ang bayad sa mga reactors o vloggers kada buwan na syang nagbibigay ng mga magagandang komento at positibong reaksyon sa mga social media post patungkol sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Sa budget hearing ng House Committee on Appropriations ay binigyang diin ni PCO Acting Secretary Dave Gomez na walang katotohanan ang nabatid ni Marcoleta dahil ang mga nagpapahayag ng suporta kay Pangulong Marcos sa social media ay “organic” at mga totoong tao at hindi bayaran.
Dagdag pa ni Gomez, kahit suriing mabuti ang budget ng PCO ay walang nakapaloob na line item para sa mga social media reactors at vloggers.









