Pagmimina, Malaki ang Kontribusyon sa Pagkakaroon ng Landslide Ayon kay NV Gov. Padilla

Cauayan City, Isabela- Naniniwala si Governor Carlos Padilla na malaki ang kontribusyon ng pagmimina sa pagkakaroon ng landslide sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya, kanyang sinabi na malaki ang nagiging epekto ng pagmimina sa pagkasira ng kalikasan at komunidad.

Ayon pa sa Gobernador, prone sa landslide ang kanyang nasasakupan lalo na kung patuloy ang pag-uulan na kung saan nito lamang ika-13 ng Nobyembre ay nakapagtala ng 10 casualties matapos matabunan ng gumuhong lupa ang mga nakatira sa brgy. Runruno, Quezon, Isabela.


Nilinaw naman ni Gov. Padilla na ilan sa mga biktima ay hindi residente ng Nueva Vizcaya kundi galing ang mga ito sa mga karatig na probinsya na umano’y mga nagtatrabaho bilang minero.

Sinabi pa ng Gobernador na mayroon namang pakinabang sa hanap buhay ng mga tao ang pagmimina subalit mas malaki aniya ang epekto at perwisyo nito sa kapaligiran na posibleng maranasan ng mga tao ng matagal na panahon.

Sa kasalukuyan ay nananatiling sarado ang OceanaGold sa barangay Didipio ng bayan ng Kasibu dahil sa napasong financial or technical assistance agreement (FTAA).

Nakatakda namang makipagpulong ngayong araw, Nobyembre 23, 2020 si Gov. Padilla kasama ang iba pang mga Gobernador kay DENR Sec. Roy Cimatu sa Lalawigan ng Cagayan upang talakayin ang mga usapin tungkol sa kalikasan at kapaligiran na dapat ay mabigyan ng aksyon at matugunan ng pamahalaan.

Facebook Comments