
Hinangaan at sinuportahan ng mga kasamahang mambabatas ang pagpalag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa tangkang panunuhol umano sa kanya ng isang district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang hindi nito ituloy ang ginagawang imbestigasyon ukol sa flood control projects.
Para kay Negros Occidental 3rd District Rep. Javi Benitez ang aksyon ni Leviste ay nagpapakita ng taglay nitong tapang, prinsipyo, at kahandaang lumaban para makinabang ang bayan.
Giit ni Benitez, hindi masisilaw ng salapi si Leviste dahil may integridad, disiplina, mabuting karakter at tagumpay ito na kanyang pinaghirapan sa pamamagitan ng kanyang sariling kompanya.
Nagpahayag naman ng pagsaludo si Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos kay Leviste na maituturing aniya nilang isang “tunay na bayani ng bayan” na matapang na lumalaban kontra katiwalian at ghost projects.
Nagpasalamat naman si House Committee on Good Government & Public Accountability Chairman at Manila Representative Joel Chua dahil sa pagtatanggol ni Leviste sa dangal ng House of Representatives matapos nitong gawin kung ano ang tama.
Ayon kay Chua, marapat nating subaybayan ang isyung ito upang hindi mabaon sa limot, hanggang sa tuluyang mapanagot ang dapat managot.









