Agad na inaprubahan ngayong hapon ng House Committee on Appropriations ang substitute bill na layong palawigin ang validity o bisa ng appropriations provision ng Bayanihan 2.
Inamyendahan ng unnumbered substitute bill ang ilang probisyon ng RA 11494 o Bayanihan to Recover as One Act partikular sa natitira o available pang pondo sa ilalim nito.
Napagkasunduan ng komite na palawigin hanggang June 30, 2021 ang bisa ng Bayanihan 2 mula sa orihinal na effectivity nito na hanggang December 19, 2020 lamang.
Nais ng Kamara na matiyak na tuloy-tuloy pa rin ang pagpapa-abot ng kinakailangang tulong para sa mga sektor na lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Nilinaw naman ni Appropriations Vice Chair Ruwel Peter Gonzaga na tanging ang unused funds lamang ang palalawigin ng panukalang batas at hindi kasama ang emergency powers ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa susunod na linggo ay inaasahang maisasalang na ito sa plenaryo at pagtitibayin bago ang Christmas break ng Kongreso.
Inirerekomenda naman ng Department of Budget and Management (DBM) kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang nasabing panukala.