Pagpalo ng COVID-19 cases, bunga pa ng “pre-Christmas” activities ng mga tao – OCTA

Posibleng resulta pa ng “pre-Christmas” activities ng mga tao ang naitalang mataas na kaso ng COVID-19 sa bansa nitong linggo.

Ayon kay OCTA Research Group Fellow Dr. Butch Ong, ito ang mga panahon na nasa labas ang karamihan ng mga tao dahil sa paghahanda sa holiday season.

Paliwanag niya, may isa hanggang dalawang linggong delay rin kasi ang trend ng COVID-19.


Samantala, ngayong linggo pa posibleng makita ang trend ng COVID-19 noong Kapaskuhan.

“Yung mga tao, pumupunta na ng mga grocery, sa mga department store, Divisoria para mamili ‘no, basta yung mga panahong maraming tao sa labas,” ani Ong sa interview ng RMN Manila.

“Ang trending kasi almost 1 to 2 weeks delay, ibig sabihin, yung trending nung December 25, makikita natin by first week of January pa,” aniya pa.

“So, yung pagdami ng number of cases ngayon, as of today, is because of the increase mobility talaga ng mga tao even before December 25,” paliwanag pa ni Ong.

Una nang sinabi ng OCTA na magtutuloy-tuloy pa ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga susunod na araw.

Isa sa worst case scenario ay ang posibleng pagpalo ng arawang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa higit 10,000.

Facebook Comments