Pagpalo sa ₱400 kilo ng baboy pinaiimbestigahan ng grupong SINAG sa DA

Pinaiimbestigahan ng isang agriculture group sa Department of Agriculture (DA) ang biglaang pagtaas ng presyo ng baboy sa mga pamilihan.

Batay kasi sa monitoring ng DA, pumapalo na sa ₱430 hanggang ₱420 ang presyo ng kada kilo ng liempo habang nasa ₱295 hanggang ₱370 ang kada kilo ng kasim.

Pero sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Executive Director Jayson Cainglet na walang naging pagtaas sa farmgate price ng baboy sa nakalipas na dalawang buwan.


Ayon kay Cainglet, nasa ₱190 hangang ₱220 ang farmgate price ng baboy kaya dapat ay nasa ₱300 hanggang ₱360 lang ang commercial price nito.

Giit nito, hindi tumaas ang demand ng baboy at walang epekto ang El Niño sa pag-aalaga ng mga ito dahil well-ventilated na ang mga kulungan ng baboy ngayon.

“Sa sobrang taas ng presyo [ng baboy], yung ating mga mamimili imbis na dalawa hanggang tatlong kilo ng baboy, isang kilo na lang ang binibili. Mismong [mga] kasama sa palengke, dati kaya umubos ng dalawa hanggang tatlong baboy araw-araw pero ngayon isang baboy hirap na hirap [sila] dahil mataas ang presyo.”

Dahil dito, pinasisilip na sa Agriculture Department kung saang bahagi ng value chain nagkakaroon ng pagtaas sa bentahan ng baboy.

“Kausap naman [naming] ang ahensya ng pamahalaan, ang Department of Agriculture, katulong natin sila. Ang sinasabi natin bantayan [ang] paglabas sa farmgate, ‘yon ang dapat nilang mabantayan. Ibig sbaihin, yung mga byahero, traders, resellers, kung may mga slaughter houses, dapat malaman kung saan ba yung patong ng malaki.”

Facebook Comments