Napakasakit at nakakadurog ng puso para sa opposition senators ang pagkawala ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, na siyang pangulo ng Liberal Party, mabuting tao, mahusay na lider, napakaraming natulungan, napakabuting kapatid, kaibigan, lingkod-bayan at huwarang anak ng mga bayani si PNoy.
Diin ni Pangilinan, ang pagpanaw ni PNoy ay tila pagtumba ng isang malaking haligi ng ating demokrasya ngunit umaasa siyang may sisibol ding mas marami pang magiging haligi ng ating demokrasya bunga ng kanyang simulain at simulain din ng kanyang mga magulang.
Pinuri naman ni Senator Risa Hontiveros ang pagiging kagalang-galang ni PNoy at pagdepensa sa ating soberensya, pagsusulong sa demokrasya gayundin ang tapat nitong pamumuno na siyang susi sa pag-unlad ng ating ekonomiya.
Batid din ni Senator Leila De Lima na napakabuting tao ni PNoy at laman ng puso nito ang ikabubuti ng mga Pilipino subalit nakakapanghinayang na hindi na nito masisilayan ang muling pagbawi at pagkakaisa ng Pilipino para bumalik sa tuwid at makatarungang landas na kaniyang ipinaglaban.
Diin naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, nawalan ngayon ang bansa ng isang tapat, at maginoong leader na naglingkod sa bayan ng buong katapatan at may malinis na intensyong mapabuti ang bansa at taumbayan.