Posibleng mabago ang takbo ng halalan sa susunod na taon matapos ang pagpanaw ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Paliwanag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, maaari nitong mapagkaisa ang pagkakawatak-watak ng publiko para sa magiging pambato ng oposisyon.
Samantala, para naman sa political analyst at University of the Philippines professor na si Dr. Clarita Carlos, kung may tatakbong Aquino sa 2022 elections ay hindi na dapat pang gamitin ang pagkamatay ni PNoy.
Inihalimbawa ni Carlos ang kapatid ni PNoy na si Kris Aquino at pinsan nitong si Bam Aquino na kilala na naman aniya ng publiko.
Pumanaw noong Huwebes, Hunyo 24 si dating Pangulong Aquino dahil sa renal disease secondary to diabetes at inilibing nitong Sabado katabi ng kaniyang magulang na sina dating Pangulong Cory Aquino at dating Senador Ninoy Aquino sa Manila Memorial Park.