Pagpanaw ni dating Secretary Dinky Soliman, ikinalungkot ng mga senador

Ikinalungkot ng mga senador ang pagpanaw ni dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman.

Ayon kay Senator Risa Hontivers, ang buhay ni Soliman ay puno ng pagmamahal, sakripisyo, tapang at serbisyo sa publiko.

Pinuri rin ni Hontiveros ang mahusay na pagpapatupad ni Soliman ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program para sa mga mahihirap.


Si Senator Panfilo “Ping” Lacson naman na dating Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery ay inalala ang malaking naitulong ni Secretary Dinky sa Yolanda Rehab Plan.

Sabi naman ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, pati ang kanyang misis na si megastar Sharon Cuneta ay labis ding nalungkot para sa paglisan ni Soliman na nabuhay at nagmahal ng buong-puso, nagbahagi ng oras, buong lakas, at tinulungang maiangat ang milyon-milyon mula sa kahirapan.

Binigyang diin naman ni Senator Leila de Lima ang lubos na sipag ni Secretary Dinky, gayundin ang pagiging matatag nito, dedikasyon, malasakit at hindi pag-inda sa pagod o panganib.

Bilib si De Lima na kahit saang may kalamidad at kailangan ng saklolo, mapa-bagyo man o lindol ay pupuntahan ni Soliman at tutugunan ang pangangailangan ng mga biktima.

Nagpapasalamat din si De Lima sa pagtatanggol sa kanya ni Sec. Dinky at paggiit na sya ay inosente.

Facebook Comments