Ibinabala ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ang posibilidad na lalong kumalat ang COVID-19 kung matutupad ang planong pagpapa-ikli sa curfew hours.
Ayon kay Poe, ang pagbawas sa curfew hours ay magreresulta sa mas maraming tao sa labas ng kanilang tahanan.
Dahil dito, iginiit ni Poe na dapat munang madetermina kung kakayanin ba ng kasalukuyang estado ng pampublikong transportasyon ang mataas na bilang ng mga pasahero.
Ipinaliwanag ni Poe na kung kulang ang masasakyan ay tiyak na magkukumpulan ang mga tao sa mga terminal at sa public vehicles kaya mas tataas ang panganib na mahawa sila ng COVID-19.
Kaya naman mungkahi ni Poe, mas dapat unahin ng gobyerno na pabalikin sa pagpasada ang mas maraming pampasaherong jeep na mahigpit na susunod sa umiiral na health protocols.