Santiago City- Lalo pang tututukan ngayon ng kapulisan ng Santiago City ang kanilang kampanya sa pagpapababa ng kaso ng nakawan sa lungsod.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay PSSupt. Melchor Ariola, ang taga pagsalita ng Santiago City Police Office, inihayag nito na kung ikukumpara ang taong 2017 at 2018 ay mas bumaba ang bilang ng naitalang kaso ng mga pagnanakaw sa lungsod.
Batay sa kanilang pinakahuling datos, noong 2017 ay nakapagtala umano sila ng nasa 183 na insidente ng nakawan habang sa nakalipas na 2018 ay bumaba ito sa bilang na 108.
Aniya, sa kaso umano ng tunnelling kung saan matatandaan na sa mga nagdaang taon ay talamak ang panloloob ng mga kawatan sa mga banko sa lungsod ay mayroon na silang mga best practices na ginagawa kabilang na ang pag-iinspeksyon sa mga drainage kanal lingu-lingo.
Sa pagsisimula ng taon ay mas lalo pa aniyang pagsisikapan ng kapulisan sa lungsod na mabantayan ang kanilang nasasakupan upang mapababa ang kaso ng nakawan at iba pang kriminalidad na naitatala sa Santiago habang panawagan pa sa lahat na maging mapagmasid at mag-ingat umano upang hindi mabiktima ng mga kawatan.