Plano para sa pagpapababa ng inflation at mataas na presyo ng pagkain ang nais marinig ni Senator Migz Zubiri sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos sa Lunes.
Ayon kay Zubiri, umaasa siyang maglalatag ng plano si Pangulong Marcos para maibaba ang inflation at presyo ng mga pagkain partikular ng bigas upang matiyak na maramdaman din ng bawat Pilipino ang sinasabing paglago ng ekonomiya.
Dagdag pa sa mga nais ng senador na matalakay ng Pangulo sa kanyang SONA ang pagtaas sa arawang sahod lalo na sa mga minimum wage earners na mas ramdam ang hirap sa pagtaas ng inflation.
Kasabay nito ang panawagan ni Zubiri sa Pangulo na ipasa na ang pagtataas sa minimum wage law para mas makatulong sa mga kababayan.
Panghuli ay ang isyu ng POGO na nangangailangan na ng tiyak na aksyon mula sa pamahalaan tulad ng pagkakaroon ng malinaw na polisiya kung agad na iba-ban o isasailalim sa transition phase sa ibang industriya ang mga apektadong manggagawa.