Pinatututukan ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga economic managers ang pagpapababa sa presyo ng pagkain at ang singil sa kuryente.
Kaugnay na rin ito sa isinusulong ni Zubiri na P150 across the board wage increase sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa.
Ayon kay Zubiri, ang presyo ng pagkain tulad ng bigas ay pareho lamang sa buong bansa at ang kuryente lalong-lalo na sa Mindanao ay hindi hamak na mas mahal ang singil.
Tanong pa ni Zubiri, paano naman makabubuhay ng pamilyang may limang myembro ang P340 kada araw na minimum wage sa Mindanao.
Para maisakatuparan ang dagdag na sahod na hindi nakakadagdag sa epekto ng inflation tulad ng sinasabi ng economic team ay hiniling ni Zubiri na mag-focus ang pamahalaan sa pagpapababa ng singil sa kuryente at pagkain.
Dagdag pa ni Zubiri, ang mga malalaking conglomerates ay nakakuha ng mataas na net income sa unang kalahati pa lang ng 2023 at nakausap din niya ang mga malalaking negosyante at mga taipan at nagpahayag ang mga ito na kaya nilang ibigay ang dagdag na sahod sa kanilang mga manggagawa.