Hindi pupuwersahin ng pamahalaan ang lahat ng tao na magpabakuna laban sa COVID-19.
Ito ang pahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles matapos kontrahin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang “no vaccine, no work” policy.
Ayon kay Nograles, bagama’t hindi mandatory ang COVID-19 vaccination, hinihikayat pa rin nila ang lahat na magpabakuna para mapalakas ang proteksyon laban sa sakit.
“The President has always [said] na hindi tayo ipipilit itong vaccines sa ating mga kababayan. Walang pilitan ‘yan,” sabi ni Nograles.
Gayumpaman, umaasa si Nograles na tataas ang kumpiyansa ng publiko sa pagpapabakuna dahil isinasagawa na ang vaccination sa mga government at private hospitals sa iba’t ibang panig ng bansa.
Una nang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na maaaring tumanggi ang mga empleyado na magpabakuna dahil hindi ito maaaring compulsory sa trabaho.
Babala ng DOLE sa mga kumpanya at negosyo na magpapatupad ng “no vaccine, no work” requirement na mahaharap sila sa administrative charges dahil walang basehan para ipatupad ang naturang polisya.