Naniniwala ang ilang mga eksperto na sa pamamagitan ng pagpapauna na mabakunahan ng ilang mga opisyal ng pamahalaan, mga doktor at nurse ay tataas ang kumpyansa ng taong bayan sa bakuna.
Ayon kay Dra. Minguita Padilla, isa sa mga naturukan ng Sinovac vaccine ngayong araw, nang mabakunahan siya kanina at si UP-PGH Director General Dr. Gap Legaspi ay maraming mga doktor at pasyente niya ang naiyak at nagpadala ng mensahe sa kanila na nais na rin nilang maturukan ng bakuna.
Paliwanag nito, kahit na anong gimik o information drive pa ang gawin ay hindi mahihikayat ang taumbayan na magpabakuna kung hindi nila makikita ang kanilang mga pinagkakatiwalaang mga doktor ang nagpapabakuna.
Samantala, nilinaw naman ni Dr. Edsel Salvana, Director, Institute of Molecular Biology and Biotechnology na nagpabakuna rin ngayong araw na hindi naman ibibigay ang bakuna hangga’t hindi ito napatunayang safe and effective ng FDA.
Giit pa nito sa pamamagitan ng COVID vaccines ay gagawing kuting ang lion o tatanggalan ng pangil ang COVID-19 upang maiwasang tamaan tayo ng severe case at hindi mauwi sa kamatayan.