Iniimbestigahan na ng Food and Drug Administation (FDA) ang pagpapabakuna ng ilang sundalo at cabinet members gamit ang hindi awtorisadong COVID-19 vaccines.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni FDA Director General at Health Undersecretary Eric Domingo na una nilang hihingan ng impormasyon ang Philippine Army at Presidential Security Group (PSG) hinggil sa mga tauhan nitong nakatanggap na ng bakuna.
Aalamin ng regulatory enforcement unit ng FDA kung paano nakapasok, sino ang nagpasok at sino ang nagsagawa ng pagtuturok.
“I would think sila po ang dapat unang kausapin ng ating mga abogado para makakuha ng impormasyon dahil sila po mismo ang nagsabi na totoong nagbakuna sila ng kanilang mga sundalo. Hopefully, by New Year meron na sigurong lumabas, itong ating regulatory enforcement unit ay hinihintay ko na rin po,” ani Domingo.
Matatandaang isiniwalat mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakapagpaturok na ng COVID-19 vaccine mula sa Chinese pharmaceutical na Sinopharm ang ilang sundalo habang kinumpirma naman ni Interior Secretary Eduardo Año na may ilang miyembro na ng gabinete at PSG ang nabakunahan na rin.
Ayon kay Domingo, wala silang alam ni Health Secretary Francisco Duque III hinggil dito.
Aniya, hindi pa nag-a-apply ng Emergency Use Authorization (EUA) sa FDA ang Sinopharm.
Kaugnay nito, susubukan ding makipag-ugnayan ng FDA sa Chinese manufacturer sa pamamagitan ng Chinese Embassy.