Dapat tutukan ng gobyerno kung paano mahihikayat na magpabakuna ang publiko.
Ito ay makaraang lumabas sa survey ng Pulse Asia na halos kalahati o 47% ng mga Pilipino ang ayaw magpaturok ng bakuna kontra COVID-19 dahil sa safety concern.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na mahalagang manguna ang mga lider at matataas na opisyal ng gobyerno sa pagpapakita sa publiko na walang dapat ikatakot sa bakuna.
Inihalimbawa niya sina US Vice President Mike Pence at US President-elect Joe Biden na isinapubliko ang pagpapabakuna gayundin sina Pope Francis at Queen Elizabeth.
Aniya, hindi dapat patago o sikretong ginagawa ang pagbabakuna para hindi lalong nagdududa ang mga tao.
“Ito yung mahalaga e, yung mga lider natin, yun yung nagpapakita na walang dapat ikatakot sa bakuna para makumbinsi ang mga tao, hindi yung patago. Kasi ‘pag patago, marami pang kaakibat na kwento na hindi nakakatulong. Mas lalong nagdududa yung tao, mas lalong nawawalan ng tiwala,” ani Robredo.
Ayon pa kay Robredo, makakadagdag din sa tiwala ng tao kung bibili ang bansa ng bakuna na may mataas na efficacy rate.
Mas mahalaga din aniyang tingnan ang assessment ng mga eksperto sa bakuna at hindi ang bansang pinagmulan nito.
“Ako, ayoko nung discussion na dahil galing dito, ayoko, dahil galing doon, ayoko. Dapat ang tingnan natin, ano yung assessment ng mga eksperto. Sa tingin ko, hindi naman yun sa kung saan galing kasi lahat naman yun dumadaan sa parang rigorous na assessment. Kasi ang problema natin, kung yung available, kulang yung tiwala do’n ng tao, mas maraming ayaw magpabakuna. Ito yung dapat ma-settle natin,” saad pa niya.