Binigyang diin ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang kahalagahang mabakunahan ang mga menor de edad upang iangat ang kumpyansa ng mga magulang sa kaligtasan ng muling pagbubukas ng mga paaralan.
Tinukoy rin ni Gatchalian na base sa kinomisyon niyang Pulse Asia survey ay ang kasalukuyang panganib sa pagpunta sa mga paaralan ang pangunahing dahilan ng mga magulang at mga guardian sa hindi pagsang-ayon sa face-to-face classes.
Bagama’t hangad ni Gatchalian na makabalik ang mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan, prayoridad pa rin dapat ang kanilang kaligtasan.
Kaugnay nito ay iminungkahi ni Gatchalian sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na maglatag na ng plano at patakaran para sa pagbabakuna sa mga menor de edad.
Sang-ayon din si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na mahalagang maisama ang mga menor de edad sa vaccination program ng gobyerno para maproteksyunan sila laban sa COVID-19 at higit na delikadong variants nito.
Diin ni Zubiri, kung magbubukas ang face-to-face classes ay magiging delikado para sa mga bata kung wala pa silang bakuna laban sa COVID-19.