Iminungkahi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na gawing kondisyon na mabakunahan muna ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bago sila makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Ang suhestiyon ay ginawa ni Roque sa harap na rin ng vaccine hesitancy kung saan nasa 30% lamang ang nais na magpaturok ng bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Roque, kung maisasama sa kondisyon ang pagsalang sa bakuna ng mga benepisyaryo ng 4Ps ay tiyak na tataas ang bilang ng mga mababakunahan lalo na sa hanay ng mga mahihirap.
Sinabi pa nito na maaari ding magamit bilang kondisyon sa pagkuha ng assistance ang pagbabakuna kung tuluyang maisusulong ang Bayanihan 3.
Pero paglilinaw ng kalihim, mananatiling boluntaryo at walang sapilitan ang nasabing kondisyon upang makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.