Iginiit ng pamunuan ng Barangay San Antonio-Arzadon sa San Manuel, Pangasinan ang pagpapabakuna sa mga alagang aso kasunod ng pagtaas ng insidente ng mga gala at nananakit na aso sa lugar.
Nagbabala ang barangay matapos makapagtala ng sunod-sunod na reklamo kaugnay ng mga asong pakalat-kalat at umano’y nangangagat, dahilan upang paalalahanan ang mga residente sa mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 9482 o Anti-Rabies Act of 2007.
Sa ilalim ng batas, may multang ₱500 ang may-ari na hindi tatalian o ikukulong ang alagang aso. Aabot naman sa ₱2,000 ang multa kung hindi ito pababakunahan laban sa rabies. Kapag ang asong walang bakuna ay nakakagat, maaaring pagmultahin ng ₱10,000 ang may-ari.
Samantala, ₱25,000 naman ang multa kung tumanggi ang may-ari na sagutin o tulungan ang pagpapagamot ng taong nakagat.
Kaugnay nito, magsasagawa ng anti-rabies vaccination ang Barangay San Antonio-Arzadon mula Marso 2 hanggang 4 upang mapigilan ang pagkalat ng rabies at mabawasan ang panganib sa komunidad.
Maaari ring mag-walk in ang mga pet owner sa Municipal Agriculture Office tuwing Lunes hanggang Biyernes para sa pagpapabakuna ng kanilang mga alagang aso.
Muling iginiit ng barangay ang panawagan sa mga may-ari ng aso na maging responsable at sumunod sa batas upang mapanatiling ligtas ang komunidad laban sa rabies at iba pang panganib.








