Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng SDO Cauayan City, nasa animnapung porsyento palang sa mga mag-aaral sa Cauayan City ang naturukan ng Covid -19 vaccines habang ang natitirang 40% ay ang target pa nilang pabakunahan.
Hindi naman aniya mandatory ang pagbabakuna sa mga mag-aaral subalit mahalaga aniya ito para sa kanilang kaligtasan lalo na kung ipapatupad na ang full face to face classes.
Kaugnay nito, kasalukuyan ang ginagawang monitoring ng SDO Cauayan sa mga batang mag-aaral upang matiyak na bakunado na ang mga ito habang patuloy naman ang kanilang adbokasiya na Oplan Gabay, Garantisadong Bakunahan para sa mga mag-aaral nang sa ganon ay mahikayat din ang mga magulang at bata na magpabakuna.
Samantala, nakatakda naman sa August 22 ang opening classes ng lahat ng paaralan para sa school year 2022-2023 na kung saan ipapatupad pa rin ang limited face to face classes.
Nilinaw ni Dr. Gumaru na bagamat 100 porsyento na sa lahat ng mga paaralan sa Lungsod ang nagsagawa ng limited face to face classes ay wala pa ring abiso na gawin na itong full face to face sa pagsisimula ng klase sa Agosto 22 dahil may mga gagawin pang assessment para sa full implimentation ng klase na nakatakda naman sa Nobyembre.