Aabutin lamang ng halos isang buwan ang pagpapabakuna sa mga medical frontliners kapag dumating na ang COVID-19 vaccine supplies sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakahanda na ang Department of Health (DOH) sa listahan ng mga health workers – na una sa mga ipaprayoridad sa vaccination program.
“So inaasahan po natin na sa buong linggo nito, sa buong buwan na darating eh at least lahat ng medical frontliners at saka mga immediate na may priority ay at least nasimulan na,” ani Roque sa isang panayam sa radyo.
Dagdag pa ni Roque na ang mga health workers sa COVID-19 referral hospitals ay kabilang sa mga benepisyaryo ng bakuna.
“Dahil inaasahan nating magsisimula na tayo sa a-kinse. Mayroon na pong mga listahan iyan. Sa katunayan iyong mga medical frontliners, kumpleto na po ang mga pangalan nila,” sabi ni Roque.
Kabilang sa mga referral hospitals ay ang Philippine General Hospital (PGH), Jose B. Lingad General Hospital at Lung Center of the Philippines (LCP).
Susunod ay ang mga health personnel mula sa DOH hospitals, local government hospitals at private hospitals.