Pagpapabakuna sa seniors at persons with comorbidities, sisimulan sa April 1 – Galvez

Maaari nang magpaturok ng unang dose ng COVID-19 vaccines ang mga senior citizens at mga persons with comorbidities.

Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., maaari nang isabay ang pagpapabakuna sa mga seniors at persons with comorbidities sa nagpapatuloy na immunization sa healthcare workers sa April 1.

Layunin nito na mas maraming tao ang mabakunahan para mabilis na maabot ang herd immunity.


Mahalaga rin aniyang maprotektahan sila agad mula sa sakit.

Sinang-ayunan ng medical experts ng Inter-Agency Task Force (IATF), National Task Force against COVID-19, at National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) at ng pribadong sektor ang simultaneous vaccination sa A1 hanggang A3.

Kabuoang 3.4 million na bakuna ang kailangan para mabakunahan ang 1.7 million frontline health workers hanggang sa katapusan ng Abril.

Nasa 9.4 million vaccines ang kailangan para sa pagpapabakuna ng senior citizens at 14 million doses na ilalaan naman sa mga persons with comorbidities.

Ang pagpapabakuna sa general public ay pwedeng simulan sa Mayo kapag natapos na ang vaccination sa priority sectors kasabay ng pagdating ng vaccine supply sa bansa.

Facebook Comments