Aminado ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na matatagalan pa bago maibalik ang suplay ng tubig sa Catanduanes at iba pang lugar na matinding napinsala ng nakalipas na bagyo.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni LWUA Administrator Jeci Lapus na matinding nagtamo ng pinsala sa water system ay sa Virac, Catanduanes kung saan 8,000 kabahayan ang apektado at napinsala.
Mabusisi aniya at matrabaho ang paglalagay ng bagong water system.
Sinabi ni Lapus na kakailanganin nilang maghanap ng source ng tubig, hukayin ito at tantiyahin kung kaya ba nitong suplayan ang dami ng kabahayang nawalan ng tubig.
Kaugnay nito, sinabi ni Lapus na nakapagsagawa na sila ng initial assessment sa sitwasyon at naisumite na nila ito sa Department of Budget and Management (DBM), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Office of the Civil Defense (OCD) para sa gagawing rehabilitasyon.