Patuloy ang panawagan ng grupong Alliance of Concerned Transport Organization o ACTO sa pangunguna ni ACTO Nationwide President Liberty de Luna kaugnay sa pagpapabasura ng Oil Deregulation Law.
Bukod dito, nagpapatuloy din ang pag-usad ng kanilang iminumungkahing fare increase na limang piso bilang nakikitang makatutulong para sa mga miyembro ng transport sector.
Sa Dagupan City, umaaray na ang mga driver ng pampasaherong jeep dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo lalo na at hanggang ngayon hindi pa rin tiyak kung kailan matatapos ang price hike nito dahil inaasahan pang magtatagal ito ng hanggang sa mga susunod na buwan.
Ayon sa ating mga personal na nakapanayam, nasa isang daan hanggang tatlong daan ang dapat sana ay dagdag na sa kanilang kita sa buong araw ng pasadahan bagamat napupunta ito sa pagpapagasolina.
Aminado ang mga ito na bagamat mataas ang presyuhan sa langis ay wala naman anila sila magagawa kung hindi magpakarga upang makapagpasada at magkaroon ng kikitaing pera, dagdag pa umano ang mga nagtataasang presyo ng pangunahing bilihin tulad ng gulay, bigas at iba pa.
Samantala, ilan pang mga senador ang suportado sa pagpapabasura ng Oil Deregulation Law dahil bukod sa pahirap ito sa transport sector ay harap harapan na umano ang panloloko ng mga kumpanyang ito at kinakailangan na mapunta na sa control ng gobyerno ang ukol dito. |ifmnews
Facebook Comments