Pagpapabaya sa mga Galang Aso, Maigting na Ipinagbabawal!

Cauayan City, Isabela- Muling ipinaalala ng Provincial Veterinary Office ang pagbabawal sa pagpapabaya sa mga galang aso o stray dogs sa lahat ng mga mamamayan sa lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Dr. Angelo Naui ng Provincial Veterinary Office, isa sa mga paraan upang maiwasan at makontrol ang rabies sa lalawigan ay ang pagsunod sa Republic Act 9482 o ang Anti Rabies Act 2007.

Dahil dito ay nananawagan ang Pamahalaang panlalawigan at Provincial Veterinary Office maging ang Agriculture office na makisama sa pagkontrol sa mga galang aso at kanila ring hinikayat ang mga opisyal ng bawat munisipyo na ipatupad ang batas ukol sa rabies at pagpapatayo naman ng mga Dog Compound at paghuli sa mga stray dogs para naman sa lahat ng mga barangay officials upang maiwasan ang pagkalat ng rabies.


Marami na umano ang sumunod sa batas subalit may mga barangay pa rin na hindi sumusunod sa batas at kanila itong tinututukan dahil sa pagputok ng sakit na rabies sa mga aso.

Aniya, Huwag nang hayaan na rabies ang ikakamatay ng isang tao kaya’t kanya ring hinihikayat ang bawat isa na makiisa sa programa at sundin ang batas upang maiwasan at mabawasan ang kaso ng rabies sa bansa.

Samantala, dagdag pa ni Dr. Naui, ayon umano sa batas ay papanagutan ng may ari ng aso ang gastos ng nakagat at magbabayad din ito kung namatay ang taong kinagat ng aso.

Facebook Comments