Pinakikilos ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ang Department of Health DOH at Inter-agency Task Force (IATF) kaugnay sa ginagawang pagpapabayad ng ilang private hospitals sa mga donasyong personal protective equipment (PPEs) sa kanilang mga pasyente.
Ayon kay Herrera, unang linggo pa lang ng Abril lumabas ang mga reklamo hinggil dito ngunit tila wala pa ring aksyon ang mga otoridad.
Napagalaman na ilang mga ospital ang naniningil ng 1,500 pesos hanggang 4,000 pesos kada PPE na napagalamang donasyon pala sa mga pagamutan.
Batay sa Private Hospitals Association of the Philippines, ang kada critical COVID-19 patient ay maaaring kumunsumo ng 12 hanggang 18 PPE kada araw.
Hindi na nagulat ang kongresista kung bakit umabot ng mahigit 300,000 pesos ang bill ng ilang COVID-19 patient para sa tatlong linggong confinement.
Malinaw, aniya, na profiteering at panlalamang sa kapwa ang ginagawa ng naturang mga ospital na kinakailangang maaksyunan at maparusahan.
Hinimok naman ng mambabatas ang mga doctor sa mga pribadong ospital na sila na mismo ang magsabi sa kanilang mga pasyente kung donated ang kanilang suot na PPE upang hindi na ito maisama sa billing at maiawas sa kanilang babayaran sa ospital.