Pinamamadali ni Speaker Alan Peter Cayetano sa economic at infrastructure team ang pagpapagawa sa mga proyekto ng pamahalaan upang mabawi ang negatibong epekto ng COVID-19 sa ekonomiya at turismo ng bansa.
Ayon kay Cayetano, dapat na samantalahin at agahan ng economic team ang pagre-release ng pondo upang agad na maitayo ang mga infrastructure projects ng pamahalaan.
Paliwanag ni Cayetano, marami ang nawalan ng trabaho sa turismo at sa abroad dahil sa epekto ng COVID-19.
Malaki aniya ang tulong na maibibigay ng mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build Programs dahil lilikha ito ng maraming trabaho para sa mga Pilipino na makakapagpataas din sa antas ng ating local economy.
Giit ni Cayetano, ang ilang tourism jobs na apektado ng COVID-19 ay maaari munang tumulong sa construction.
Bukod dito, kailangan ding madaliin ang mga proyekto para samantalahin ang summer season.
Hiniling din ng Speaker na mag-focus sa small, medium at large scale infra projects para makalikha ng maraming oportunidad sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.