Pagpapabilis sa proseso ng pagtatayo ng telco towers, aprubado na ng Bicameral Conference Committee

Inaprubahan na sa Bicameral Conference Committee ang probisyon sa panukalang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.

Sa ilalim ng nasabing probisyon, temporaryong sususpendihin ang requirements para sa permit sa installation at operation ng telecommunication towers sa susunod na tatlong taon.

Ito ay sa pangunguna ni Senate Minority Leader Franklin Drilon upang mapabilis ang pagtatayo ng mga telecommunications infrastructure at maiwasan ang red tape ngayong may COVID-19 pandemic.


Nabatid na sa kasalukuyan ay nasa 29 hanggang 35 na dokumento ang kinakailangan bago makapagtayo ng tower sa isang lugar.

Ayon sa senador, ito ang nagpapatagal at humaharang sa pagkakaroon ng mabilis at maaasahang internet services sa bansa.

Umaasa rin si Drilon na sa pamamagitan ng probisyong ito ay maaaksyunan na ang mabagal na proseso na nagiging dahilan kung kaya’t ang Pilipinas ang isa sa may pinakamabagal na internet sa Southeast Asia.

Facebook Comments