Hinimok ng OCTA Research Group ang gobyerno na pabilisin ang vaccination drive bago luwagan ang quarantine restriction sa bansa.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng National Economic and Development Authority (NEDA) kay Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay na ang buong bansa sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) simula March 1.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, kung biglaang bubuksan ang ekonomiya, may panganib na tumaas ang bilang ng mga kaso lalo na’t hindi tiyak kung gaano na karaming variant ng COVID-19 mayroon sa Pilipinas.
Aniya, sakaling magkaroon ng surge at higpitan ulit ang lockdown, mas magiging magastos ito ‘economically’ kumpara sa pakinabang na maaaring makuha ng bansa sa pagpapaluwag ng ibang sektor.
Kaya sa halip na madaliin ang pagpapatupad ng MGCQ, mas dapat aniyang pabilisin ang pagbabakuna.
“Buksan na natin lahat kung economic consideration din naman pero syempre may public health ventilation tayo. Factor din ‘yong risk na magkaroon ng surge ulit kasi kapag nagkaroon tayo ng surge at dumami ang bilang ng kaso, ‘pag napuno ‘yong mga hospital natin mapipilitan ulit tayong mag-lockdown,” saad ni David.
“Also, andyan din ‘yong UK variant, baka may iba pang variant na nakapasok. Alam natin may UK variant dito pero hindi natin alam kung gaano ka-prevalent ‘yong variant dito kasi kasama ‘yan sa risk natin eh,” dagdag pa niya.
Kasabay nito, tinutulan din ni David ang proposal ng NEDA na paluwagin na ang age restriction kung saan papayagan na ring lumabas ang mga edad 5 hanggang 70 anyos.
Paliwanag niya, kahit dumating na ang mga bakuna, wala pa namang nakalaan para sa mga menor de edad.
“Kung ia-allow natin ‘yong 5 to 70 years old, e, hindi ko lang alam ‘yan kasi hindi pa dumarating ‘yong bakuna natin pero pagdumating hindi natin mababakuna ‘yong below 16 years old kasi hindi pa nagagawan ng clinical trial ‘yong mga minor,” saad ni David sa interview ng RMN Manila.