Pagpapabuti ng internet connection sa buong bansa, isa sa mga tututukan ni Mayor Isko Moreno

Muling iginiit ni Mayor Francisco “Isko” Moreno na mamumuhunan siya para palakasin pa ang internet connectivity sa bansa.

Ito ang naging pahayag ni Mayor Isko sa pakikipagharap sa higit 300 kabataan at estudyante sa Ynares Auditorium sa Binangonan, Rizal.

Ayon kay Mayor Isko, bukod sa pagpapalakas ng internet, nais rin niya na bumuo ng national fiber backbone o pagkakaroon ng mas secure at mabilis na network.


Ito’y para mas lalong maka-access ang mga estudyante kasabay na rin ng online learning o blended distance learning sa hinaharap bagama’t unti-unti nang ibinabalik ang face-to-face classes.

Bukod dito, naniniwala si Yorme na ang pagtatayo ng mga digital infrastructure sa bansa ang makakatulong hindi lamang sa mga estudyante sa buong bansa maging sa ilang mga may online business kung saan inihalimbawa niya rito ang pagkakaroon ng libreng wifi connection sa lungsod ng Maynila.

Sinabi ng alkalde na magagawa raw niya ito kasama ang suporta ng gobyerno sa loob ng dalawang taon kung papalarin na manalo sa 2022 national elections.

Dagdag pa ni Mayor Isko, ang mga naisip niyang proposal ay ilang beses niyang ipiniresenta sa Department of Information and Communications Technology (DICT) pero hindi naman pinapansin.

Facebook Comments