Pagpapabuti sa tertiary education, tinalakay sa Kamara

Nagpulong sa ikalawang pagkakataon ang Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 at ang Commission on Higher Education o CHED para sa layuning mapabuti ang tertiary education sa Pilipinas at gawing mas competitive ang mga graduate.

Sa pulong ay iminungkahi ni House Committee on Basic Education at EDCOM 2 Co-Chairperson Pasig City Representative Roman Romulo, bawasan ang required general education o GE units sa higher education o kolehiyo.

Gagawin ito sa pamamagitan ng Philippine Credit Transfer System o PCTS kung saan mababawasan ang bilang ng taon ng pag-aaral lalo na para sa mga estudyante na sumailalim na sa K-12 program.


Binanggit naman CHED Chairman Prospero de Vera, na may ilang higher educational institution ang nagpapatupad na ng credit transfer ngunit kanilang ikinokonsidera na ipatupad ito sa engineering at health courses.

Sabi ni De Vera ang pagpapa-ikli sa GE courses sa ilang mga programa ay nagbigay daan para makapaglaan ng mas mahabang panahon ang mga estudyante sa industry immersion.

Plano ng EDCOM 2 na muling magpulong at ayon kay House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at EDCOM 2 Co-Chairperson Rep. Mark Go, layunin nito na makabuo ng panukalang batas na tutugon sa mga problema at magpapataas sa kalidad ng edukasyon ng bansa.

Facebook Comments