Pinasususpinde muna ng isang mambabatas sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapadala ng Pinoy nurses sa abroad sa gitna ng laban ng bansa kontra COVID-19.
Kasunod ito ng ulat na magpapadala umano ang Germany ng eroplano sa Pilipinas para isakay ang nasa 75 nurses na mag-aalaga sa mga mamamayan nitong tinamaan ng Coronavirus.
Giit ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, hindi hamak na mas kailangan ng bansa ngayon ang mga healthcare personnel para alagaan ang mga kababayang may sakit.
Tinukoy ng Kongresista na marami sa mga ospital ang kulang na sa tao dahil sa dami ng kaso ng COVID-19 habang marami ring mga medical staff ang naka-quarantine matapos ma-expose sa virus mula sa mga pasyente.
Sinabi ni Rodriguez na saka na ituloy ang deployment ng healthcare workers sa ibang mga bansa kapag tapos na ang krisis.
Kasabay nito’y hinikayat rin ng mambabatas ang Department of Health (DOH) na kunin ang serbisyo at bayaran ang mga doktor at nurses imbes na manawagan ng volunteers.