Muling iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi mangunguna ang Pilipinas sa pagpapalala ng tensyon sa pagitan ng China kaya walang pangangailangan na magpadala ng warship o barko ng Philippine Navy sa West Philippine Sea.
Ito ay kasunod ng panibagong insidente ng pangha-harass ng China sa mga mangingisda at pwersa sa Bajo de Masinloc at Hasa Hasa Shoal.
Sa ambush interview sa Bulacan, sinabi ng Pangulo na ang tanging ginagawa lamang ng bansa ay mag-resupply lamang para sa ating mga mangingisda at tropa sa WPS, at protektahan ang territorial rights ng Pilipinas.
Sa katunayan aniya, ang Pilipinas pa nga ang laging nagpapababa ng tensyon sa WPS.
Kung susuriin pa aniya ang kasaysayan at progreso ng sitwasyon sa rehiyon ay hindi kailanman naging bahagi ng paglala ng tensyon dito ang Pilipinas.