Mabibinbin pa ang pagtatayo ng Pampanga River Floodway at San Antonio Swamp Ring Dike Project, ang major flood control project na makakatulong sana para masolusyunan ang pagbabaha sa Bulacan at Pampanga.
Sa pagdinig ng Senado patungkol sa malawakang pagbaha dahil sa Super Typhoon Carina at habagat, nabusisi ni Senator Joel Villanueva ang Department of Public Works and Highways (DPWH) patungkol sa mega flood control project na dapat sana’y sinisimulan na ngayon ng ahensya ang konstruksyon tulad ng ipinangako nito sa Senado noong nakaraang taon.
Puna ni Villanueva, wala namang pandemya para mabinbin pa ang nasabing major flood control project.
Pero ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, mangangailangan pa ng isang taon para matapos ang detail engineering design ng proyekto at ngayong taon ay patapos pa lang ang feasibility study para rito.
Dahil dito, nagbigay ulit ng panibagong timeline si Bonoan na posibleng sa 2027 pa masimulan ang pagtatayo ng proyekto.
Dismayado si Villanueva dahil isa ang flood control project na ito sa ipinagmalaki noong nakaraang taon ng ahensya na inaasahan nilang magiging tugon sa matagal na nilang problema sa baha partikular sa mga lalawigan sa Central Luzon.