
Inaaral na ng Senate Committee on Finance na tanggalin na sa mandato ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapagawa ng mga farm-to-market roads, school buildings, mga ospital at military facilities bunsod ng talamak na katiwaliang kinasangkutan ng ahensya.
Ito ang sinabi ni Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian matapos matuklasan sa gitna ng pagdinig na ang mga imprastraktura tulad ng mga classrooms, health facilities at mga farm-to-market roads ay mayroon ding iregularidad na ginawa ang ahensya.
Pinag-aaralan ng komite na ilipat na lamang ang pondo at katungkulan na magpatayo ng kanilang mga proyekto sa mga ahensya tulad sa Department of Agriculture, Department of Education, Department of Health at Department of National Defense.
Para magawa ito ay aalisin ng Senado ang special provision na nagbibigay ng poder sa DPWH na magtayo ng mga imprastraktura.
Naniniwala si Gatchalian na magiging matino at matatapos ang mga proyekto kung ito ay ipauubaya sa mga ahensyang makikinabang at hindi sa DPWH.









