Hindi pa nakikita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kailangan nang palawigin o pahabain ng number coding scheme.
Ito ay sa kabila ng paglalagay sa National Capital Region (NCR) sa Alert Level 1 na pinakamaluwag na alert level status.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, sa unang araw ng pagpapatupad ng Alert Level 1 sa Kamaynilaan ay mas mababa ang kanilang naitalang bilang ng mga sasakyan kumpara noong nasa Alert Level 2.
Sabi ni Artes, nasa 367,535 ang mga sasakyan na dumaan sa EDSA noong Marso 1 at mas mababa sa 372,528 na naitala noong unang araw ng implementasyon ng Alert Level 2.
Wala rin aniyang ipinagbago ang bilis ng mga sasakyang dumadaan sa EDSA sa Alert Level 1 at 2.
Dahil dito, kinakailangan pa raw munang i-monitor ang daily vehicle volume count sa kahabaan ng EDSA para malaman kung kinakailangang pahabain pa ang number coding.
Sa kasalukuyan, umiiral ang number coding tuwing alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi at sakop lamang nito ang mga pribadong sasakyan.