Mataas ang kumpiyansa ng kampo ni Vice President Leni Robredo na mas dadami ang mga isasagawang test para sa COVID-19.
Ito ay matapos mapagtanto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kahalagahan ng mass testing para makontrol ang outbreak sa bansa.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, umaasa silang tataasan ng pamahalaan ang mass testing kasunod ng pahayag ng Pangulo.
Ang pahayag ni Pangulong Duterte ay pagpapatibay sa mga panawagan ni VP Robredo mula nang magsimula ang outbreak noong Marso.
Ang mga medical experts, maging ang mga pribadong indibidwal ay nananawagan ng mass testing sa loob ng lockdown period.
Kasabay nito, umaasa rin si Gutierrez na mahihinto na ang pagbato ng fake news at online attacks sa Bise Presidente.