Tiniyak ng mga labor officials ng bansa na ang suspensyon ng deployment ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Saudi Arabia ay pansamantala lamang.
Nabatid na nasa 500 OFWs ang hindi pinayagang mag-board sa kanilang flights patungo sa nasabing bansa matapos maglabas ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng temporary deployment suspension.
Nakasaad sa abiso na ipinatupad ang suspensyon ay kasunod ng mga ulat na nire-require ang mga OFWs ng kanilang mga employer o recruitment agencies na sagutin ang gastos sa kanilang COVID-19 health at safety protocols at ang kanilang insurance coverage premium.
Ayon kay Fidel Macauyag, Labor Attache sa Riyadh na nais ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa Saudi Arabia na ang mga employer ang magbayad ng lahat ng expenses.
Aniya, ipapatupad sa Saudi ang “institutional quarantine” sa mga OFWs na nagkakahalaga ng $1,000 o katumbas ng 3,500 Saudi Riyal o higit ₱47,000, kabilang na rito ang 10-araw na pananatili sa isang quarantine hotel.
Iginiit ni POEA Administrator Bernard Olalia na maganda ang intensyon ng suspensyon dahil layunin nitong ilayo ang mga OFWs sa napakalaking gastusin.
Aniya, naghihintay lamang sila ng paglilinaw mula sa KSA bago nila bawiin ang temporary suspension.
Ang KSA ay major market para sa mga OFWs.