Ginagalang ng Malacañang ang desisyon ni Ombudsman Samuel Martires na itigil na ang lifestyle checks para sa mga opisyal o empleyado ng gobyerno, at iginiit na may iba pa namang existing measures na makakatulong sa mga otoridad para habulin ang mga tiwali.
Sa interview ng RMN Manila kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pabor siya na hindi laging epektibo ang lifestyle checks lalo na’t may ilang mga opisyal na nakakahanap ng paraan para itago ang kanilang ill-gotten wealth.
Ayon kay Roque, ikinokonsidera ni Martires na mas mahalagang ipatupad ang Anti-Money Laundering Law dahil ito ang pinakamagandang paraan para matukoy kung ang income ng isang empleyado ng gobyerno ay kayang mapatunayan ng kanyang mga assets na nakatago.
Sa kabila naman ng pagpapatigil ng Ombudsman, sinabi ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica sa interview ng RMN Manila na patuloy pa rin ang kanilang lifestyle check sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
Giit ni Belgica, may sarili mandato ang PACC kung saan ang kanilang mga natutuklasang anomalya o korapsyon ay ipapasa sa Office of the President.
Una nang sinabi ng Ombudsman na ipinatigil na niya ang lifestyle checks sa mga public officials, dahil sa kwestiyunableng probisyon ng Republic Act No. 6713, o kilala bilang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.