Dismayado ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa naging desisyon ng Ombudsman na ihinto ang pagsasagawa ng lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno.
Sa interview ng RMN Manila, iginiit ni IBP President Atty. Domingo ‘Egon’ Cayosa na ang hakbang na ito ng Ombudsman ay salungat sa isinusulong na full transparency ng gobyerno.
Sa halip aniya na itaguyod ang letter at spirit ng State Of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN Law at ang Constitutional provision para sa transparency and public accountability ay tila nililimitahan ito.
“Nakakalungkot lang, naglalagay sila ng mga obstacles… pinapahirapan nilang maka-access ang media o yung mga ordinaryong mamamayan dun sa kanilang SALN e dapat ho yan, it should be a public document,” ani Cayosa.
“Yung mga ganyang bagong alintuntunin is clearly counter to the letter and spirit of the Constitution saka ng SALN Law. May batas ho e. Hindi ho magandang pangitain, agrabyado tayong lahat,” dagdag pa ng IBP President.
Giit pa ni Cayosa, kaakibat ng pagpasok ng isang tao sa gobyerno ang pagsuko sa kanyang privacy kaya’t hindi dapat ito ginagawang rason ng mga taga-gobyerno.
Aniya, hindi dapat pahirapan ang pag-access sa SALN ng mga taga-gobyerno alinsunod na rin sa inilabas na executive order ng Office of the President hinggil sa Freedom of Information.
“Hindi nga kinakailangang pag-awayan yan e. Dapat lahat ng mga kawani ng gobyerno lalo na kung mas mataas ang ranggo mo, dapat mas open ka,” giit ni Cayosa.
Pinag-aaralan na ng IBP ang mga posibleng hakbang na maaari nilang gawin ukol sa usapin.