Pagpapahusay ng ICT sa mga public elementary at high schools, aprubado na sa Kamara

Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang “Public Schools of the Future in Technology” (PSOFT).

Sa botong 221 na sang-ayon at wala namang pagtutol ay nakalusot na sa plenaryo ang House Bill 10329 na layong itaas ang edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na mekanismo at resources, gayundin ang pagpapahusay ng pagtuturo at pagkatuto gamit ang Information and Communications Technology (ICT).

Ang PSOFT ay itatatag sa lahat ng public elementary at secondary schools.


Dito ay isasama sa public basic education ang mga programang may kinalaman sa digital technology at innovation.

Magkakaroon ang mga estudyante ng personal computers o kaparehong learning devices, digital classroom equipment, internet at hybrid intranet connectivity sa lahat ng paaralan.

Magtatatag din ng Education Technology Division ang Department of Education (DepEd) para sa pagpapatupad ng teaching programs na gumagamit ng technology-based instruction aids para mas maging epektibo at episyente ang pagtuturo ng mga guro.

Bubuo rin ng PSOFT Inter-Agency Task Force para sa paglikha naman ng PSOFT Road Map na naglalaman ng development plans, programs, at projects para sa mas advance na digital technology at innovation sa public basic education.

Facebook Comments