Isinusulong ni Senator Francis Tolentino ang pagpapalakas at pagpapabuti sa sitwasyon ng nursing profession sa bansa.
Naniniwala ang Senador na ang mga nurse na may mahusay na pagsasanay, sapat na sweldo at pagkilala ay makakaambag sa mahalagang papel ng pagkamit ng mas episyenteng Universal Health Care sa bawat Pilipino.
Sa Senate Bill 1447 o “Philippine Nursing Practice Act of 2022” na inihain ni Tolentino, layunin nito na makapagbigay ng comprehensive nursing law sa bansa kung saan inilalatag ang bagong probisyon na “Advanced Practice Nurse” o APN na magiging “prime mover” sa pagpapahusay ng nursing profession.
Makapagbibigay aniya ito sa mga qualified nurse ng pinalawak at nagkakaisang gampanin na makatutulong sa paghahatid ng komprehensibong serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino.
Nakapaloob din sa panukala ang maayos na pagsasanay ng nursing profession sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga hakbang na mahalaga sa nursing practice standards, gayundin sa pagtiyak ng maayos na kondisyon sa trabaho, at pagbibigay suporta sa professional growth ng mga nurse.
Lilikha rin ng Philippine Professional Nursing Roadmap o PPNR na magbibigay ng long-term strategy na may malinaw na layunin at action plans para sa nursing profession ng bansa.