Kinalampag ni Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na madaliin ang pagpapahusay sa reading proficiency sa bansa.
Kasunod na rin ito ng implementasyon ng nationwide reading program simula ngayong araw, January 12 sa lahat ng mga pampublikong paaralan bilang bahagi ng inisyatibo para mapaghusay ang literacy skills ng mga mag-aaral sa basic education.
Iginiit ni Gatchalian ang kahalagahan na agad matugunan ang reading skills sa bansa na siyang tinukoy sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).
Ipinunto pa ni Gatchalian na bagamat nagkaroon ng kaunting pagtaas sa reading scores mula 2018 hanggang 2022, hindi pa rin ito sapat dahil nanatiling stagnant o walang pagbabago sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Bukod dito, 76 percent ng mga kabataang may edad na 15 taong gulang ay hindi nakaabot sa minimum proficiency ng pagbasa.
Dagdag ng senador, kasabay ng pagangat sa kalidad ng edukasyon ay kailangang tutukan at bigyang prayoridad din ng gobyerno ang mga programang hahasa sa kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa.