Pagpapahusay ng serbisyo at pasilidad ng LRT, mas dapat na unahin kesa ang magtaas ng pasahe

Unahin muna ang pagpapahusay ng serbisyo at pasilidad ng Light Rail Transit (LRT) bago ang anumang balak na pagtataas sa singil sa pasahe.

Ito ang naging reaksyon ni Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe sa plano ng Department of Transportation (DOTr) na taasan ng P2.29 ang minimum fare sa LRT Line 1 at 2 simula sa Agosto 2 kung saan ang dating P11 na minimum na pamasahe sa LRT ay magiging P13.29 na.

Giit ni Poe, ang anumang dagdag sa pamasahe ay tiyak na sakit sa bulsa ng mga estudyante at mga manggagawa na pinagkakasya ang budget at nakadepende sa murang public transportation.


Punto ng senadora, ang LRT-1 na isang privately-operated company ay inaasahang patuloy na mag-i-invest para sa mas maayos na train system upang mas lumaki ang kita sa negosyo.

Tinukoy naman ni Poe ang LRT-2 na dahil binubuhusan ng gobyerno ng bilyong pisong subsidiya sa ilalim ng national budget kada taon, ay nais makita ng mambabatas kung paano ginagastos ng LRT-2 ang pondo at pinatitiyak na ang subsidiya at napapakinabangan talaga ng mga pasahero.

Binigyang diin pa ni Poe na kung maganda ang serbisyo ay siguradong dadami ang pasahero kaya sa mga subsidiya at pondong natatanggap ay nararapat lamang na maramdaman ng mga commuters ang ligtas, komportable at modernong train system sa bawat biyahe.

Una nang hiniling ni Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera na kasabay ng fare increase ay dapat na magpatupad ng discounted lanes ang LRT para sa mga mag-aaral, matatanda at may kapansanan.

Facebook Comments