
Nakipagpulong ang Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) sa mga kinatawan ng DHL Express Philippines upang talakayin ang mga isyu sa operasyon at palakasin ang koordinasyon kaugnay ng mga naantalang delivery ng kargamento.
Layunin ng pulong na mapabuti ang proseso ng customs at matiyak ang maaasahan at mas mabilis na operasyon, lalo na ngayong papasok ang holiday season.
Ayon sa BOC-NAIA, ilan sa mga kargamentong dumarating sa warehouse ng DHL ay may maling deklarasyon, na kadalasa’y kaugnay ng mga tangkang pagpupuslit ng iligal na droga na nahaharang ng ahensya.
Pinangunahan ni BOC-NAIA District Collector Atty. Yasmin O. Mapa ang pagpupulong na ginanap sa NAIA Customshouse sa Pasay City.
Tiniyak ng magkabilang panig ang patuloy na koordinasyon upang mas mapabilis ang pagpapadala ng mga lehitimong kargamento, partikular sa panahon ng Kapaskuhan.









