Pagpapaigting ng aksyon laban sa ASF, iginiit

Manila, Philippines – Iginiit ni Senate Majority Leader Migz Zubiri sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na bilisan at paigtingin pa ang mga hakbang laban sa African swine fever o ASF.

Kabilang sa kinalampag ni Zubiri ang Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC), mga opisyal na paliparan, National Meat Inspection Service (NMIS) at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno.

Panawagan ito ni Zubiri makaraang aminin ng DA, na ASF ang dahilan sa pagkamatay ng halos 7,000 mga baboy sa Bulacan at Rizal.


Ayon kay Zubiri, buwan pa lamang ng Marso ay iginiit na niya ang total ban sa importasyon ng karne ng baboy mula sa ibang bansa pero hindi ito nangyari kaya tuluyang nakapasok at kumakalat na ngayon ang ASF.

Pinuna naman ni Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go na wala pang help desk ang naitatayo kaugnay sa epekto ng ASF sa mga hog raisers.

Diin ni Go kailangang paigtingin ang food security protocol ng bansa at kailangan ding ayusin ang disposal sa mga namamatay na baboy at huwag basta-basta itatapon kung saan-saan para maiwasan ang pagkalat pa ng naturang sakit.

Pahayag ito ni Go, makaraang maanod sa Marikina river ang ilang patay na baboy na nagdulot ng pangamba sa posibleng epekto nito sa mga tao at sa kapaligiran.

Facebook Comments