Tinalakay sa ginanap na ika-18 ASEAN-India Summit ang pagpapaigting pa ng kooperasyon sa pagitan ng India at ng Regional Bloc, partikular sa usapin ng kalakalan, multilateralism, environmental protection, kalayaan sa paglalayag at stability sa rehiyon.
Ginamit din ng ASEAN leaders ang pagkakataon upang magpasalamat sa India sa isang bilyong dolyar na donasyon nito sa ASEAN COVID-19 Response Fund, maging sa iba pang medical supply at bakuna laban sa virus.
Kapwa nangako ang ASEAN at India na magtutulungan sa pagpapalakas ng kahandaan at kakayahan ng mga bansa na tugunan ang mga uusbong na public health emergency sa hinaharap.
Sa susunod na taon, ipagdiriwang ang ika-30 anibersaryo ng ASEAN-India dialogue relations.
Kaugnay nito, tiniyak ng mga lider ng mga bansang ito ang kanilang commitment na pagyabungin pa ang kanilang kooperasyon upang maisakatuparan ang mga interes at development na kapwa isinusulong ng mga ito.