Pagpapaigting sa mga hakbang para sa ligtas na pagbubukas ng turismo, hiniling ng Kamara

Umapela ang ilang kongresista sa Kamara na paigtingin pa ang mga hakbang para sa ligtas na pagbubukas ng turismo.

Ang panawagan ay upang maiwasan ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa mga tourism spot sa bansa makaraang maitala ng Department of Tourism (DOT) na mahigit sa “limit capacity” ng mga turista ang bumisita sa isla ng Boracay nitong nagdaang Holy Week.

Para sa ilang kongresista, batid at nauunawaan nila ang pagkasabik ng publiko na makapagbakasyon matapos ang dalawang taong travel restrictions pero nananatili pa ring responsibilidad ng mga awtoridad ang mahigpit na pagpapatupad ng mga basic health protocols at iba pang guidelines na itinakda ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.


Binigyang diin pa na may pangunahing gampanin ang industriya ng turismo sa muling pagbangon ng ekonomiya kaya naman mahalagang maprotektahan ang mga tourism destinations sa anumang banta ng pagtaas ng kaso ng sakit.

Sa resolusyong inihain ay hinihimok naman ang pambansa at mga lokal na awtoridad gayundin ang sektor ng turismo na bumalangkas ng mga komprehensibong hakbang para maiwasan ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga lugar na madalas na pasyalan ng mga turista.

Facebook Comments