Hiniling ni BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co sa Department of Health (DOH) at sa Department of Science and Technology (DOST) na pag-aralan ang pagpapaikli sa interval o agwat ng pagbabakuna ng second dose at booster shot ng COVID-19.
Inihalimbawa ni Co na ang ilang bansa gaya ng South Korea ay iniklian na ang pagitan ng pagbibigay ng second dose at booster shot sa lima, apat o tatlong buwan mula sa anim na buwan.
Umapela ang kongresista sa mga ahensya na ihanay sa international standards ang interval ng booster policy ng bansa.
Kasabay nito ay nanawagan ang kongresista sa Inter-Agency Task Force (IATF), National Task Force (NTF) at sa Local Government Units (LGUs) na paghusayin pa ang vaccination output.
Mahaba-haba pa aniya ang hihintayin ng bansa para mabigyan ng booster shots ang lahat ng mga Pilipino lalo’t marami pa ang walang first dose at second dose ng COVID-19 vaccine.